Tuldok: Mga Tulang Isinulat sa Wakas ng Isang Pag-Ibig
commentsyard.com |
Tuldok
Kapiranggot na markang halos hindi nakikita
ngunit may malalim na kahulugan. Ang agad na pagkaputol ng magagandang bagay na
tinatamasa. Ang pag-abot sa sukdulan ng paghihirap at pagtatapos ng isang
paglalakbay. Ang hangganan ng paghihintay sa isang taong hindi na muling
babalik. Sa lahat ng nangyari, hindi masambit ng iyong mga labi ang pait ng
pangungulila sa pusong kailanma’y di na mapapasaiyo. Kinailangan mong siyang pasakitan
upang mailigtas. Gunawin ang kanyang mundo upang buhay nya ay magpatuloy. Sa
iyo, ang tuldok ay hudyat ng paulit-ulit na kamatayan habang sa kanya nama’y
simula ng buhay na walang hanggan.
Tuldok
Hindi mapawi ang lungkot sa aking mga mata.
Ang babaeng minsang pinangarap kong iharap sa dambana ay kinailangan kong itulak
palayo upang masagip sa mainit na apoy ng impyernong ni kailanman ay hindi nya
naranasan. Sa lahat ng mga dalagang nagdaan sa aking buhay, siya ang tunay kong
minahal. Ngunit, nakalulungkot isipin na ang aming pag-ibig ay nabuo sa
panahong naghahari parin ang diskriminasyon at mapanupil na pananaw ng lipunan.
Kay hirap tanggapin na hindi na mabibigyang katuparan ang aming pagmamahalan.
Ngunit ang inyong mga puso ay mga mumunting gamu-gamo sa higanteng guerra ng
pag-ibig, pinagliliwanag ng pag-asa ngunit ang inyong kinang ay hindi sapat
upang masaklaw ang napakalaking kadiliman.
Paghupa
I.
Ang bawat daang ating binabagtas, kahit
gaano pa man kahaba, ay mayroong ding hangganan. Hindi batid ninuman kung saan
o kailan magwawakas ang ating paglalakbay. Hindi rin tiyak kung sa dulo, ating
mararating ang paroroonan o kailangang bumalik sa pinanggalingan.
II.
Sa malakas na pagyanig, kayang gibain ang
matibay na pundasyon ng isang bundok. Ang toreng matatag at matayog ay
unti-unting huhupa kasabay ng pagbuka ng lupa, at lalamunin ang pag-asa ng
pagsisimula. Agad papawiin ang pag-ibig na nagbibigay ng lakas sa kanyang
kaluluwa.
III.
Sa pagsasara ng isang aklat, matatapos ang
kwento ng ‘happy ending’ at haharapin na namin ang riyalidad na ang buhay ay
hindi isang ‘fairytale’.
IV.
Ang pagbagsak ng tulay na sa amin ay
nag-uugnay ang nagtatapos ng aming paglalakbay bilang magkasintahan.
Hilagpos
Kasabay ng
pag-agos ng tahimk na dagat
Binubuksan ko
ang aking palad
Sa takipsilim
ng pusong alibugho;
Ang pag-ibig na
inilaan sa kanya
Na dapat ay
naghatid ng ibayong ligaya
Nagbibigay
ngayon ng bigat
Sa damdamin
kong aba
Alam kong wala
na siya
Sa kanyang
paglisan ay isinama nya
Ang
pinaghuhugutan ng lakas
Upang buhay ko
ay magpatuloy-
Upang lumaban
ako at harapin
Ang lakas ng
hanging amihan
Na tumutulak sa
akin pabalik;
At ang lakas ng
hanging habagat
Na yumayanig sa
aking pananampalataya
Ngayong alaala
na lamang
Ang sa akin ay
naiwan
Paano nga ba
ako magpapatuloy
Para saan pa
ako lalaban
Sa gitna ng
masukal na kawalan
Ang parang na
aking kinalalagyan
Balot ng
kadiliman ang paligid;
Patapos na ang
ngayon ngunit
Wala ng bukas
na haharapin
Tila ako lamang
ay naghihintay
Sa araw na ako
na’y mahihimlay
Ngunit
ibinulong sa akin ng langit
Hindi dapat
tumigil ang mundo
Sa paghugit ng
matinding kabiguan;
Ngunit hawak ko
ang pasya
Sa aking
pagpapatuloy…
Habang sariwa
pa sa ngayon
Ang sugat na
hatid ng kabiguan
Panghahawakan
ko ang sakit
Sapagkat
nagmula ito sa
Aming
natatanging pag-ibig
“WALANG
TAWIRAN NAKAMAMATAY”- MMDA
- Dala-dala ang hinanakit, takot,
pangamba. Dahan-dahan nyang tinahak ang landas ng pulang daang puno ng
rosas. Sa kanya’y nakamasid, isanlibo’t isang mata. Magagarang baro,
nagkikislapang ngiti. Lahat ng dahilan upang sumaya. Ngayo’y nakatambad sa
kanyang harapan Ngunit walang pitak ng ibayong ligaya yaong masasalamin sa
kanyang mga matang nagluluksa.
Ilang hakbang, labinlima, labing-apat,
labintatlo. Unti-unting nauupos ang kanyang pag-asa na darating ang kabalyerong
sa kanya’y sasagip, at sa kanya’y maglalayo sa mundong ito na nababalot ng
habambuhay na kalungkutan.
Kaunting hakbang na lamang ang pagitan.
Lima, apat, tatlo, dalawa… sa kumakabog na puso at nanginginig na kamay, muli
syang tumunghay sa pintuan ng simbahan, tangan parin ang gatuldok na pag-asang
naroon ako upang iligtas siya sa isang buhay ng kasinungalingan. Isang hakbang
na lamang ang natitira. Bahagya siyang huminto, at naisip ang kahalagahan ng
hakbang na iyon. Nagugulumihanan kung hahakbang paabante, at panghabambuhay
akong talikuran, o umatras at umasa ng kaligayahang walang hanggan sa aking
piling.
Sa isang bugtong-hininga, tumulo ang luha sa
kanyang mga mata, at umabante sya sa altar.
- Humahampas ang tubig sa aking
talampakan. Kakulay ng langit ang aking pusong alibugho, kasingpula ng
dugong minsang dumaloy sa aking mga ninuno, ngunit kasing putla ng agos na
tinakasan na ng sigla. Hawak ko ang
puso ko sa loob ng isang porselana, kasamang naabo ng kanyang mga larawan,
sulat at alaala.
At sa hudyat ng hanging tagusang dumadaan
sa aking lumulutang na kaluluwa, kasabay kong pinakawalan sa kalawakan ang
lahat ng pait ng mga naabo naming pagsinta.
- Ilang libong kalsada at daanan,
sala-salabit na inilatag sa samu’t saring lansangan. Napakadaling lisanin
ang kasalukuyang pilit mong tinatakasan. Magtaxi ka, at makakarating ka sa
pinakamalapit na mall. Mag-LRT at magpunta sa pinakamalapit na videoke at
umawit ng mga kantang pangsawing-puso. Magpakalango sa alak hanggang
malimutan mo ang lahat ng suliraning nagpapabigat sa iyong dibdib. Umawit
ng Aegis, Regine Velasquez, Sharon Cuneta at Basil Valdez. Maglakad sa mga
bakanteng lansangan sa mapanganib na gabi, dala ang iyong hangaring
makasalubong ang isang ulupong na magwawakas ng iyong buhay na sayo’y
hindi na dapat pang uminog. Sa pagputok ng bukang liwayway, uuwi kang
mag-isa, at ipapaalala sa iyo ng lungkot ng katahimikan na bumalik ka ng
muli sa simula ng paglalakbay.
Imahe
sa Lumang Portamoneda
Mula
bata hanggang sa paglaki
Ipinagtataka
ng aking murang isip
Kung
bakit hindi magawang palitan
Ng
aking Inang ang kanyang
Lumang
portamoneda
Hindi
man kami nabiyayaan
Ng
sandamakmak at umaapaw na kayamanan
Sa
aking palagay, hindi ba’t kay gandang
Tignan
ang isang mayuming babae
Bitbit
kanyang pitakang presentable
Ngunit
sadyang hindi mapakawalan
Ni
Inay ang kanyang tanging yaman
Kahit
kapiranggot na barya lamang
Ang
nilalaman nito sa loob
Tuwing
si Inang ay aking inuukilkil
Upang
masilip lamang ang kung anu
Ba
ang nakalagay sa kanyang
lumang
portamoneda
Tila
isang bagyong siya ay mayayamot sa akin
Kaya
naman mababahag ang aking buntot
At ako ay lalayo na upang maibsan ang
Kanyang pagkabagot
Napag-isip kong si Inay ay larawan
Ng kung paano umibig si Juan Dela Cruz
Ang mga lumang gamit ay ayaw bitawan
Kahit pa ito ay luma na at pinagsawaan
Sinasariwa parin nila ang nakaraan
Mga alaala nila’y ayaw pakawalan
Sabi ni Inang iwasan kong pakialaman
Ang gamit na hindi akin sapagkat
Ito ay masama at ikagagalit ng aking kapwa
Banta nya sakin, dalawang bagay lamang ang
Maaaring mangyari sa intrimitidong tulad
ko:
Kapahamakan o kasawian sa maaaring
matuklasan
Isang tanghalian mapalad na natiyempuhan
Abala si Inang sa pagluluto ng nilaga
Sa aming maliit na tungko
Naiwan nya ang kanyang portamoneda
Sa ibabaw ng kanyang papag
Aha! Hindi ko pinalagpas yaring pagkakataon
Dahan-dahan kong binuksan ang kayamanan
Na kay tagal kong hinintay na mahawakan
Nabigla ako sa larawang tumambad
Sa aking mga mata
Nakita ko na ang larawan sa loob
Na pinakamahalagang lalaki sa buhay ng
Aking inay
Sa aking pagkabigla ako’y napaluha
…Pagkat ang imahe sa lumang portamoneda
Ay hindi ang aking itay.
Kundiman
Hardin
Nagpatuloy sa pagsibol ang bulaklak
Sa hangin, mga puno’y sumasayaw sa galak
Sa bughaw na kulay ng kalangitan
Ang mga ibon sa paligd, nag-aawitan
Kay pula ng mga rosas
Lalong tumitingkad sa sikat ng araw
Ang pag-ibig ng Maykapal
Dama sa mainit na pagdampi ng sinag
Sa masasayang bulaklak
Tahanan
Isang palasyo, apatnapung metro kwadrado
Sa tahimik na look sa dulo ng bayan
Tahimik ang paligid sa garang lubos
Ginto ang bintana maging ang pintuan
Isang naninirahan, iisang reyna
Hindi na muling lumisan mula ng siya’y pumasok
Higit 30 taon na ang nagdaan
Suyuan
Heto na ang magiting na prinsipe
Kapitan ng rebolusyon sa Leyte
Iikad-ikad ang binting sakang
Manliligaw muli itong si Tatang
Harana
Hawak ang kanyang munting gitara
Si Tatang talagang pusturang pustura
Aawitan upang suyuin at makuha
Ang puso ng tinatanging Maruja
Infinity Ring
Matapos umawit ng tatlong kundiman
Kanyang ipapakita, suot nyang tanikala
Sasariwain ang kanilang mga alaala
Sa puntod ng kanyang yumaong asawa
Paghuhukom
Kung sakaling matapos ang lahat
Tayo’y bumalik kung saan buhat
Ako parin kaya
Ang siyang iaadya
Upang umibig sayo ng tapat
Sakaling bumagsak ang bulalakaw
At itong ating mundo’y magunaw
Ako kaya’y mahanap
O kaya’y maapuhap
Bago buhay sa mundo’y pumanaw
Sa iyong pagharap sa Lumikha
Ilalahad mo ba itong sumpa
O sa kanya’y isusumbong
Kung saan humantong
Ating pangakong tuluyang humupa
Dagat-dagatang apoy
Halos
labing-isang minuto matapos pawiin ng
Nakaririmarim
na paghuhukom ang lahat
Ng
buhay sa aking daigdig ay agad kong
Nabatid
kung saan ako patungo
Mula
sa aking kinatatayuan ay
Tanaw
ko ang mga anghel sa puting baluti
Dala-dala
ang mga taong hindi natinag
Ang
pananalig sa Poong Maykapal
Nakita
ko ang aking lola na niyakap
Ng
Birheng Maria sa pintuan ng langit
Samantala,
sa mas mababang lebel ay
Isang
animo’y talampas na kinalalagyan
Ng
mga taong may pag-asa pang
Mapabilang
sa kaharian ni Kristo
Sa
ilalim naman nito ay ang lugar na
Pinakainaayawan
ng lahat
Ang
impyerno kung saan pagbabayaran
Ng
mga nagkasala ang kanilang mga
Pagkukulang
at pagkakamali sa kanilang
Buhay
sa daigdig
Sa
paggulong ng mahapding apoy
Hahagupit
sa kanila ang mga
Pinalagpas
nilang pagkakataon upang
Ituwid
ang mali at baguhin ang kanilang
Mga
buhay; Alam kong hindi na bukas
ang
pintuan ng langit para sa akin sapagkat
Pag-ibig
mo ang nagsilbing liwanag
Sa
aking buhay
Ngunit
nilamon ito ng lambong ng kadiliman
Ang
aking nag-aalab na damdamin para sa iyo
Ang
nagdala sa akin dito sa lungkot ng pag-iisa
Kapiling
ang mga inang walang puso
Tumatangis
sa kawalan
Batid
nilang lumuha man sila ay
Wala
ng mangyayari sapagkat ang
Kanilang
kapalaran ay ikinulong na
Ng
kanilang mga maling desisyon
Sa
mundong ibabaw
Agad
naitanong sa aking sarili
Dito
ba sa impyerno,
Kapiling
ng mga demonyo
Ang
punan ng mga puso
Na
tumalikod upang mailigtas
Ang
kanyang minamahal?
Ngunit
sa pagdurusa ko
Sa
walang katapusang
Dagat-dagatang
apoy
Isang
bagay lamang ang
Magdudulot
sa akin ng ibayong ligaya
Ang
makita ka, kasamang tumatawa
Ng
mga anghel sa malayong distansya
Hanggang sa Huli
Natupad
ko na ang aking mga pangarap sa buhay
Sa
lahat ng nagdaang pagsubok, ako’y nagtagumpay
Ngunit
kailanma’y di ko lubusang nadama
Puso’y
di man lang nakakuyam ng ibayong ligaya
Sa
marahang ihip ng hangin, akin ng nababakas
Dumating
na ang araw na buhay ko’y magwawakas
Namamaalam
na sa akin ang mga rosas sa hardin
Maging
sa langit, ang mga nagkikislapang bituin
Sa
aking kama nagtipon ang aking mga supling
Maging
mga apo’t manugang, aking nakapiling
Mga
mata nila’y walang humpay sa pagtangis
Na
tila lumalagaslas ng tubig sa marahang batis
Maligaya
kong lilisanin itong abang daigdig
Puso
ko’y malaya sa galit, puno ng pag-ibig
Ngunit
hanggang sa kahuli-hulihang sandali
Tinatagong
damdamin ay di ko na naikubli
Mula
pa ng edad ko ay naging bente uno
Puso
ko ay nabuhay sa pagiging alibugho
Kalungkutan
ay hindi na ako tinantanan
Panghihinayang
sa isipan ko’y di lumisan
Hanggang ngayon, tangan ko parin ang
panghihinayang
Ba’t di ipinagkaloob ng langit na tayo’y
magkatuluyan
Lahat ng aking mga pangarap ay Kanyang
ipinatupad
Ngunit bakit isang natatanging hiling, di
napagbigyan
Kailanman ako’y hindi ako natakot at
nangamba
Na mga pangarap ko’y biglang mabigo at
humupa
Ngunit sa buhay ko’y wala ng mas sasakit pa
Kundi ang magtagumpay ng hindi ka na kasama
Unti-unti kong natupad ang lahat ng mga
pangarap
Na magkasama nating isinulat sa bawat ulap
Nahinog kasabay ng isanlibong gintong uhay
Sa panahong hindi na kita kasama sa
paglalakbay
Sa aking maybahay, hiling ko ang
pagpapatawad
Sa mga taong iyong kabaitan, saki’y
lumungad
Pag-ibig ko kailanman ay hindi naging huwad
Tunay lahat ng pagsintang sa iyo ay
inilahad
Sa loob ng mga panahong tayo’y magkapiling
Pilit kong siniil ang sigaw nitong damdamin
Hindi ko masasabing kahit isang saglit
Na hindi siya sumagi dito sa aking isip
Dumating na ang sandaling hinihintay ko
Makakapiling ko na ang Dakilang Impo
Hininga sa aking katawa’y daglit nauutas
Tangan ang bigong puso…
Haharapin ko na ang aking wakas.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento